Thursday, June 11, 2015
PAYO SA MAY INIS, GALIT AT PROBLEMA
Ni Dr Willie Ong (Please SHARE and TAG a friend)
LAHAT ng tao ay may pagkakataong naiinis o nalulungkot sa buhay. Ganyan ang buhay. Minsan ika’y nasa itaas, minsan nasa ibaba.
Bilang doktor, alam kong maraming galit, inis at hindi pagkakaintindihan ang nangyayari.
1. Pag-aralan mo ang sitwasyon maigi. May nagawa ka bang pagkakamali? Kung mayroon ay magpakumbaba ka at aminin ang iyong kasalanan. Sabihin ang totoo para mawala ang bigat sa iyong dibdib.
2. Pag-isipan ng mahinahon at walang halong galit ang mga paratang na binabato sa iyo. Tunay ba ito o hindi? Kung hindi tunay ay kalimutan mo na iyan. Huwag mo nang pansinin.
3. Sino ang nagsasalita laban sa iyo? Importante ba ang opinyon nitong tao? May galit ba siya sa iyo o gusto lang niya makatulong? Pakinggan mo lang ang mga payo ng mga nagmamalasakit sa iyo.
4. Irespeto ang mga taong nakasakit sa iyo. Piliting maging mabait pa rin. Sa ganitong paraan, hindi na lalaki ang away.
5. Humingi ng payo sa pamilya at mga matalik mong kaibigan. Pagkatapos ay timbangin ang kanilang payo sa iyo.
6. Huwag na huwag daanin sa init ng ulo. Pilitin gamitin ang tamang pag-iisip para maabot ang tamang desisyon. Kung galit ka pa, maghintay muna ng isang araw bago isipin muli ang isyu.
7. Tanungin ang sarili, “Masaya ba ako sa aking pagkalungkot o pagkainis?” May taong mahilig mag-self pity, kung saan kinaaawaan nila ang sarili. Hindi ito maganda. Iwaksi ito sa isipan.
8. Magpatawad. Kung may taong nakasakit sa iyo, ipasa-Diyos mo na lang. Hayaan mo na iba ang makaaway niya. Huwag mo na pansinin.
9. Mahirap ito pero ipagdasal ang mga nakasakit sa iyo. Hindi nangangahulugang kailangan mo silang mahalin. Irespeto mo lang. Gawin mo pa rin ang proyekto mo, at hayaan mong gawin niya ang trabaho niya.
10. Ipasa mo ang iyong problema sa Diyos. Tutulungan ka ng Diyos na pasanin ang mga dinadamdam mo. Maya-maya, hindi mo namalayan ay gumagaan na ang iyong pakiramdam. Magiging masaya at matagumpay ka na muli! Good luck po.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment